Powered By Blogger
Showing posts with label Life. Show all posts
Showing posts with label Life. Show all posts

Thursday, August 12, 2010

Worth Saving For

“Kapag may isinuksok, may madurukot.” - kilalang kasabihan ng mga nakatatanda, pero kung iisipin ay mahirap gawin kasi nga naman masarap gumastos at i-enjoy ang kinikita, kaya ka nga nagpapakahirap kumayod diba. Hanggang dumating sa punto pagkatapos kong mag-isip na kailangan kong seryosohin ang pag-iipon habang maaga.

Ang pag-iipon ng pera ay isa sa pinakamalaking hamon ng tao sa mundo. Kung nais mong guminhawa at magkaroon ng magandang kinabukasan, dapat matutong mag-ipon tulad ng langgam. Kung plano mong makaipon, gayundin dapat ang pagplano ng gastusin.

Pag-iimpok at pagtitipid - isang gawi na nangangailangan ng matinding determinasyon at paninindigan upang maipatupad ang kagustuhan makapag-ipon. Dapat maglaan ng sapat na panahon, lakas at pagtitiyaga upang sa huli ay makamtan ang ginhawa at benepisyong dulot nito sa iyong buhay.

1) Gumastos ayon sa kailangan. Muling suriin ang mga bagay na pinagkakagastusan gaya ng paghahanap ng alternatibong mga produkto na may kalidad pero di ganun kamahal, umiwas sa mga “branded”. Kung alam mo ang halaga ng iyong perang kinita at pinaghirapan, hindi ito magiging madali na basta na lang gastusin. Iwasan ang maging maluho. Halimbawa, mag-renta DVD kaysa manood ng sine – kasabay nito ang masarap na merinda liban sa popcorn.

2) Gumawa ng personal na budget. Maging indibidwal man o pamilyado, ito ang pinakamadaling paraan ng pagtitipid. Sa ganitong paraan, masusubaybayan ang pagpasok at paglabas ng pera. Makikita at malalaman din kung sa aling bahagi ng gastusin mas makatitipid. Alamin ang proyoridad. Mahirap mag-ipon sa tagal ng panahon kung walang nakalaang budget. Mainam na bawasan ang budget sa mga gawing kasiya-siya ngunit kaya namang mag-“survive” kahit wala nito tulad ng buwanang “manicure”o pagkain sa labas ng 2 beses sa isang buwan.

3) Mainam ang maramihan. Ang pagpaplano ng pagkain sa mga susunod na araw ay mas nakatitipid kumpara sa paisa-isa. Siguraduhing mauubos ito bago dumating ang “expiration date” upang di masayang ang produkto. Nakatipid ka na, nakapaghanda ka pa sa anumang di inaasahan pangyayari o “emergency”.

4) Siguraduhing ang “SALE” ay sale. Sa ganitong paraan, maihahalintulad mo ang produkto sa ibang regular na presyo at hindi basta marketing strategy ng pinagbilhan para lang maengganyo kang bilhin ito agad. Ang mga “Buy One Get One Free”, “50% Off” atbp. promo ay makatutulong na makatipid kung ang tunay na presyo ng produkto ay mas mababa sa kagayang produkto na mabibili rin sa iba.

5) Isaalang-alang ang pagbili ng “secondhand” - Lahat naman tayo ay nagnanais ng bagong gamit pero sa totoo ay malaki ang matitipid sa pagbili ng “secondhand” gaya ng kotse, damit sa ukay-ukay at ibang kasangkapan ngunit mukha pa ring bago at nasa mabuting kondisyon.

6) Iwasang umutang ng labis. May ilang kautangan ang mahalagang paglaanan ng pera gaya ng hulugang bayad o “mortgage” ng bahay, at paggamit ng credit card bago dumating ang suweldo. Ngunit kung nais mo talagang makaipon bawasan pagkakaroon ng utang. Ang credit card ay madaling dalhin at mabilis gamitin pero siguraduhing pagdating ng katapusan ay maagapan ito bago pa mabaon sa interes, konting disiplina lang ang kailangan.

7) Mag-ipon ng pera. Paulit ulit na ipaalala sa sarili ang “desire” o kagustuhang makaipon. Sa bawat lingo o buwan, ay ugaliing maglaan ng maliit na halaga (fix amount) hanggang makapag-adjust sa mas malaking halaga kahit paunti-unti. Alam kong mahirap mag-ipon sa simula pero pag nakaugalian mo na, magugulat ka na lang sa ibubunga nito.

8) Maging matalinong mamimili. Pumili ng pamilihan na kung saan mas makakamura. Humanap ng mga bagsakan ng mababang bentahan ng karne at gulay tulad ng sa Balintawak (bagong hango at sariwa pa mula Baguio) o damit mula sa mga “factory outlets” o “surplus”. Maari ding dumiretso mismo sa pagawaan para sa mas mabababng presyo.

9) Kumain sa bahay sa halip na sa labas. Malaking bahagi nito ang matitipid. Halimbawa: ang presyo ng kape sa labas ay maaring umabot ng humigit 20X kumpara sa tinitimpla sa bahay. Naglipana ang “fast foods” – oo nga’t instant serving ito ngunit madalas walang sustansya. Ano ba naman ang konting oras na ilalaan para makapagluto sa bahay - malinis, masustansya at mura pa. Subukang mangalap ng mga “recipe” na madaling ihanda.

10) Bawasan ang pagkonsumo. Ito ang pinakaepektibong paraan ng pagtitipid. Sa ngayon ay unti-unti nating nararanasan ang mga kalamidad at pagbaha dulot ng malalalang problema sa basura. Kung sabay-sabay tayong gumagamit ng tubig at kuryente, maaaari namang bawasan ito at bigyang konsiderasyon ang ibang puwede pang makagamit. Nakatulong ka na sa kalikasan, nakatipid ka pa. Magtala ng “electrical saving tips” at isatupad ito. Gumamit lamang ng sapat.

Sana’y nakatulong ang mga nabanggit na paraan upang makaipon, dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay sagana tayo. Darating ang panahon na ikaw din ang makikinabang nito parang “self-insurance”. (Salamat kay Mama, siya ang nagturo sa akin kung paano mapagkakasya ang pinagpaguran ko, baka nga naman magising na lang ako sa huli pagakatapos ng ilang taong pagtatrabaho ay nauwi ang lahat sa wala.)

Wednesday, July 28, 2010

Happiness is a Choice


Sa mga nagdaang araw, nagiging paulit-ulit na ang lahat. Sa bilis ng takbo ng panahon at sa labis na abala, tayo’y nakakalimot na magnilay sa magagandang bagay na mayroon tayo. Madalas kasi puro reklamo mula work pressure, family problems, broken relations, financial issues, etc. Lahat ay nag-aasam na umangat at maging competitive sa anumang paraan malagpasan lang ang krisis na pinagdadaanan, nagbabago ang lifestyle, naglalaho ang ilang values, tumataas ang standard at nag-iiba ng prayoridad. Sa kabila nito, minsan mapapatanong ka sa sarli mo “Masaya ba ko?”.

Alam nating lahat na di biro ang buhay pero marami rin tayong dapat na ipagpasalamat. On a brighter note, subukang alalahanin at pagnilayan ang mga simpleng bagay gaya ng…

- maaliwalas at preskong umaga
- malambot na kama
- malamig na inumin
- bahaghari pagkatapos ng ulan
- nagtatawanang mga bata
- mainit na kape / tsokolate at pandesal
- pakikinig ng awit ng pag-ibig
- pagkakaroon ng malayang bansa
- pag-aalaga ng hayop
- pagsibol ng luntiang puno at halaman
- muling pakikipagtagpo sa matagal na kaibigan
- mabuting kalusugan, malusog na pangangatawan
- nakaaaliw na pelikula
- paghahanda ng lutong bahay
- kakayanang makapagtrabaho
- mga taong naniniwala at nagtitiwala
- tapat at mapagmahal na kabiyak
- totoong kaibigan
- paglubog ng araw
- pagsasabi at pagtanggap ng salitang “Mahal kita”
- panatag na isipan

Ilan lamang yan sa mga bagay na maaring makapagpasaya sa’yo, baka marami ka pang naiisip at iminumungkahi kong gumawa ka ng sariling “happiness list”, if you’re feeling down, depressed or stressed, you can look back over things. Ikagugulat mo ang magandang dulot nito upang maging positibo ang pananaw mo sa buhay.

"Be thankful for what you have; you'll end up having more. If you concentrate on what you don't have, you will never, ever have enough." - Oprah Winfrey