Malamig na simoy ng hangin, maugong na awiting pamasko mapa-radyo at shopping malls, mainit na bibingka’t putobumbong sa kalye, makukulay na palamuti, kumukutitap na mga bombilya… kay bilis ng taon, muling parating ang isa sa pinakamasayang panahong hinihintay di lang ng mga bata (aguinaldo sa ninong at ninang) pati mga nakatatanda ( reunion, at non-stop party party!!!). Ngayon pa lang ay di na magkamayaw ang mga namimili sa Divisoria para sa pangdekorasyon sa bahay at pangregalo o giveaways sa kaanak, kaibigan at kaopisina. Ang mga nabanggit ay pisikal na scenario na nakikita ng mata.Kung ating susuriin, kakaibang saya at sigla ang hatid ng Pasko sa bawat Pilipino. Hindi gaya ng ibang bansa, may puso ang ating pagdiriwang kahit na simple ang handa. Ang mga dating magkaaway ay nagkakapatawaran at nagbabatian. Ang mga salat ay natutulungan kahit sa maliit na paraan. Sa pagdalaw ng kaanak at kaibigan, napapawi ang lungkot ng may karamdaman . Nagkakaroon ng pag-asang magbago ang mga nagkamali at pilit bumabawi at pinupunan ang pagkukulang. Naghihilom ang sugat ng mga pusong sawi. Ngunit di dapat kalimutan ang tunay nitong kahulugan – at ikaw lang ang makasasagot niyan.
Nawa’y madama mo ang lubos na kasiyahan sa darating na kapaskuhan.
Tandaan mas mainam ang magbigay kaysa sa tumanggap. Kaya mo? =)

No comments:
Post a Comment